

Kagabi, habang nakapalibot sa lamesa matapos mag-hapunan kasama ang mga college friends ko, napunta ang usapan namin sa pagkumpara ng buhay sa Pilipinas at sa ibang bansa. Hindi pa kami nakalalayo, napunta na ang usapan sa pandemic.
Isa sa kanila ang nagsabi, “Maganda/maayos ang Pilipinas nung pandemic.”
Hindi ko napigilang magsalubong ang kilay ko, pero mabilis ko rin namang nai-unat ito. Gusto kong sumagot ng, “Saan banda?”
Paano naging maayos kung sa gitna ng isang health crisis, may mga alegasyon ng pagwaldas at maling paggamit ng public funds, overpriced at substandard na supplies, ang Pharmally scandal, at iba pang kontrobersiyang hanggang ngayon ay bahagi pa rin ng public record? Isa-isahin ko pa ba? Makikinig kaya sila?
Hindi ito ang unang pagkakataon na natagpuan ko ang sarili ko sa ganitong sitwasyon o usapan.
Pero nauuwi ako sa pananahimik. Palagi ‘yun. Hindi ako nagsasalita. ‘Yung utak ko, bumubuo na ng isasagot. Pero ‘yung bibig ko, palaging nakatikom.
Honestly, hindi naman talaga ako ‘yung tipo ng tao na makikipag-talo. Mas madalas, pinipili kong makinig. Siguro dahil umaasa ako na, balang araw, sana pakinggan din ako.
Pero sa dami ng pagkakataon na binigay sa akin para magsalita, bakit mas pinipili ko pa ring manahimik? Natatakot ba akong mawalan ng kaibigan? Natatakot ba akong makipagsagutan? Makipag-debate? Makipag-away? Hindi ko alam.
Noong Thursday, nanood ako ng 58th.
Ang 58th ay isang docu-film tungkol sa pagkawala ng journalist na si sir Reynaldo “Bebot” Momay, isa sa mga biktima ng Maguindanao massacre, at sa patuloy na paghahanap ng kanyang pamilya sa katotohanan at hustisya. Hindi ko na ikukuwento ang buong pelikula. Pero sana mapanuod niyo.
Ang bigat sa dibdib. Sobrang bigat na hanggang pauwi ako, nakaramdam na ako ng anxiety. At kinabukasan, dala ko pa rin siya.
Tinanong ako ng kaibigan kong kasama kong nanood kung magsusulat ba ako ng movie review.
“Kapag sinipag ako,” ang sagot ko.
Apparently, sinipag ako.
Today, I watched EDJOP.
At parang hindi ako makakatulog ngayong gabi kung hindi ko ilalabas ‘tong nasa utak ko. Okay lang kahit walang magbasa (sa haba nito, baka lalong wala talaga).
Ang importante, mailabas ko lang.
Sakit na talaga nating mga Filipino ang “kalimot.”
At ito ang isang bagay na parehong pinaalala sa akin ng 58th at EDJOP.
Sa 58th, nakita ko kung paano patuloy na umaasa at lumalaban ang pamilya ni sir Bebot Momay na huwag tuluyang makalimutan ang nangyari sa kanya.
Isa siya sa mga biktima ng Maguindanao massacre, isa sa pinakamadilim na trahedyang tumama sa pamamahayag sa Pilipinas. At dahil hindi na-recover ang kanyang katawan, hindi siya naisama sa isinampang kaso laban sa mga taong inakusahan sa likod ng massacre.
Ang pagkawala ng isang katawan ay naging parang pagkawala rin ng isang pangalan sa paghahanap ng hustisya.
Pero hindi siya nakalimutan ng kanyang pamilya. At sana, hindi rin natin siya kalimutan.
Pinaalala naman sa akin ng EDJOP na ang paglimot ay hindi lang nangyayari kapag lumilipas ang panahon.
Maaari rin itong mangyari kapag paulit-ulit nating hinahayaan na malunod ang kasaysayan sa disinformation, fake news, at mga kuwentong mas madaling paniwalaan dahil mas komportable silang pakinggan.
At dito ako napaisip.
Marahil ito rin ang dahilan kung bakit napakalaking bagay sa akin ng simpleng usapan kagabi. Dahil paano nga ba tayo magkakaroon ng pagkakaintindihan kung ang bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang bersyon ng nakaraan?
May mga taong tunay na naniniwalang ang Martial Law ang “Golden Age” ng Pilipinas.
May mga taong, tulad ng pamilya ko, hindi kailanman maituturing na Golden Age ang panahong iyon.
May mga taong nagsasabing naging “safe” sila noong Duterte administration.
At may mga pamilya namang ang karanasan ay kabaligtaran nito, mga pamilyang nawalan ng anak, asawa, kapatid, o magulang sa gitna ng drug war at mga pagpatay na iniuugnay rito.
Hindi ko sinasabing mali ang naramdaman ng isang tao dahil iba ang naranasan niya.
Pero may pagkakaiba ang pagsasabing, “Ito ang naranasan ko,” sa pagsasabing, “Dahil hindi ko ito naranasan, hindi ito nangyari.”
Hindi mo pwedeng isubo at ipanguya sa ibang tao ang bersyon mo ng katotohanan dahil lang iyon ang naramdaman mo noong mga panahong iyon.
Your experience matters. But so does theirs.
At ang personal na karanasan natin ay hindi dapat maging dahilan para burahin ang karanasan ng ibang tao. Hindi rin sapat na sabihin nating, “Wala naman akong naranasan.” Dahil minsan, ang pagiging ligtas natin ay dahil hindi tayo ang nasa kabilang dulo ng karanasan.
May isang linya si sir Edgar Jopson sa EDJOP na nagbalik sa akin sa lamesang kinauupuan ko kagabi.
“Ang gusto ng kaaway ay tumahimik ka. Ang panalo nila ay kung patuloy kang tatahimik.”
Aray ko.
Sa dami ng beses na pinili kong manahimik, parang personal na tawag sa akin ‘yung linyang iyon.
Hindi naman ako political commentator. Hindi rin ako debate person. At hindi rin naman ibig sabihin na pagkatapos nito, bigla na akong magiging madaldal sa lahat ng political discussions.
Pero tonight, parang nagising ulit ‘yung ex-school newspaper journalist sa akin. So I guess, I had to write.
Hindi para makipag-away. Hindi para kumbinsihin ang lahat na pareho kami ng paniniwala. At lalong hindi para sabihin na ako lang ang may hawak ng katotohanan.
Gusto ko lang maalala natin na may mga taong iba ang naging karanasan kaysa sa atin. May mga pamilyang iba ang kuwento. May mga sugat na hindi natin nakikita dahil hindi naman tayo ang nasugatan.
Kahit gaano tayo ka-divided politically, sana may mga bagay pa rin tayong hindi kinakalimutan.
Sana kaya pa rin nating makinig sa isang kuwento na hindi tugma sa sarili nating karanasan.
Sana kaya nating sabihin, “Hindi ko iyon naranasan,” nang hindi sinusundan ng, “Kaya hindi iyon totoo.”
At higit sa lahat, sana kaya pa rin nating tingnan ang paghihirap ng ibang tao at kilalanin ang kanilang pagkatao, kahit magkaiba tayo ng paniniwala.
Dahil hindi naman kailangang pareho tayo ng opinyon para maging tao sa isa’t isa.
At may mga bagay na hindi kailangang pagtawanan, burahin, o kalimutan.
Ang mga namatay.
Ang mga naiwan.
Ang mga kuwento.
Ang kasaysayan.
Sana huwag natin silang kalimutan.
#
































